19 Aug

Namumuhay ang tao sa gitna ng liwanag, nguni’t wala siyang kamalayan sa kahalagahan ng liwanag. Siya ay ignorante sa substansya ng liwanag, at sa pinagmumulan ng liwanag, at, higit pa rito, kung sino ang nagmamay-ari nito. Nang ipinagkaloob Ko ang liwanag sa gitna ng tao, Aking agarang sinusuri ang mga kundisyon sa gitna ng tao: Dahil sa liwanag, nagbabago ang lahat ng tao, at lumalago, at nakakaalis sa kadiliman. Tinitingnan Ko ang bawa’t sulok ng sansinukob, at nakikita na ang mga bundok ay balót sa hamog, na ang katubigan ay nagyeyelo sa gitna ng lamig, at, dahil sa pagdating ng liwanag, tumitingin ang mga tao sa Silangan at baka makadiskubre pa sila nang mas mahalaga—nguni’t ang tao ay nananatiling hindi makatalos ng malinaw na direksyon sa gitna ng maninipis na ulap. Dahil ang buong mundo ay nalulukuban ng hamog, kapag Ako ay tumitingin mula sa gitna ng mga ulap, ang Aking presensiya ay hindi kailanman natutuklasan ng tao; naghahanap ang tao sa daigdig ng isang bagay, mukha siyang naghahalukay, tila hinahangad niya, na maghintay sa Aking pagdating—nguni’t hindi niya alam ang Aking araw, at nakakatingin lamang nang madalas sa kislap ng liwanag sa Silangan. Sa lahat ng mga tao, hinahanap Ko yaong mga tunay na ayon sa Aking sariling puso. Lumalakad Ako sa gitna ng lahat ng mga tao, at naninirahan sa gitna ng lahat ng mga tao, nguni’t ang tao ay ligtas at matiwasay sa lupa, kaya’t walang sinumang tunay na ayon sa Aking sariling puso. Hindi alam ng mga tao kung paano magmalasakit sa Aking kalooban, hindi nila nakikita ang Aking mga pagkilos, at hindi sila nakakagalaw sa gitna ng liwanag at masinagan ng liwanag. Kahit na palaging pinapahalagahan ng tao ang Aking mga salita, siya ay walang kakayahang maaninag ang mga mapanlinlang na pakánâ ni Satanas; dahil ang katayuan ng tao ay masyadong mababa, hindi niya kayang gawin kung ano ang nais ng kanyang puso. Hindi Ako kailanman tunay na minamahal ng tao. Kapag itinataas Ko siya, pakiramdam niya ay hindi siya karapat-dapat, nguni’t hindi nito nagagawa na subukin niyang pasayahin Ako. Basta hinahawakan lamang niya ang kinatatayuan na Aking naibibigay sa kanyang mga kamay at sinusuri ito; hindi nadarama ang Aking pagiging kaibig-ibig, sa halip nagpupumilit siyang nagpapakabundat sa mga pagpapala ng kanyang kinatatayuan. Ito ba ay hindi kakulangan ng tao? Kapag gumagalaw ang mga bundok, maaari bang umiwas ang mga ito para sa kapakanan ng iyong kinatatayuan? Kapag umaagos ang tubig, maaari bang huminto ang mga ito sa harap ng iyong kinatatayuan? Mababaligtad ba ang kalangitan at lupa ng iyong kinatatayuan? Ako ay minsang naging maawain sa tao, paulit-ulit—nguni’t walang sinumang nagmamahal o nagpapahalaga rito, pinakinggan lamang nila ito bilang isang kuwento, o binasa ito bilang isang nobela. Ang Akin bang mga salita ay hindi talaga nakakaantig sa puso ng tao? Ang Akin bang mga binibigkas ay tunay na walang epekto? Maaari kayang walang sinuman ang naniniwala sa Aking pag-iral? Hindi mahal ng tao ang kanyang sarili; sa halip, siya ay nakikiisa kay Satanas upang salakayin Ako, at ginagamit si Satanas bilang isang “asset” upang paglingkuran Ako. Aking papasukin ang lahat ng mga mapanlinlang na balak ni Satanas, at pipigilan ang mga tao sa lupa na tanggapin ang panlilinlang ni Satanas, upang hindi sila manlaban sa Akin dahil sa pag-iral ni Satanas.


Sa kaharian, Ako ay Hari—nguni’t sa halip na ituring Ako bilang kanyang Hari, tinatrato Ako ng tao bilang ang Tagapagligtas na nakababa mula sa langit. Bilang resulta, naghihintay siya na magbibigay Ako sa kanya ng limos, at hindi naghahabol na Ako’y makilala. Napakarami na ang napaiyak sa Aking harapan tulad ng isang pulubi; napakaraming nakapagbukas ng kanilang mga “sako” sa Akin at nakiusap sa Akin na bigyan sila ng pagkain upang mabuhay; napakaraming nagtuon ng kanilang pagkagahaman sa Akin, tulad ng mga gutom na lobo, nag-aasam na Ako’y malalamon nila at busugin ang kanilang mga tiyan; napakaraming nagyuko ng kanilang mga ulo nang tahimik dahil sa kanilang mga pagsuway at nakaramdam ng hiya, nagdarasal para sa Aking kaawaan, o kusang-loob na tinatanggap ang Aking pagkastigo. Kapag Ako ay nagsasalita, lumilitaw na kabaliwan ang iba’t-ibang kahibangan ng tao, at lumalabas ang kanyang tunay na anyo sa gitna ng liwanag, at sa makinang na liwanag, hindi magawang patawarin ng tao ang kanyang sarili. Kaya, siya ay nagmamadaling humarap sa Akin upang lumuhod at ikumpisal ang kanyang mga kasalanan. Dahil sa “katapatan” ng tao, siya ay muli kong inakay sa karo ng kaligtasan, at samakatuwid nagpapasalamat sa Akin ang tao, at pinupukol Ako ng kaibig-ibig na sulyap. Nguni’t ayaw pa rin niyang tunay na magkubli sa Akin, at hindi pa niya ganap na naibibigay ang kanyang buong puso sa Akin. Ipinagmamalaki niya lamang Ako, nguni’t hindi niya Ako tunay na minamahal, dahil hindi pa niya naibabaling ang kanyang isipan sa Akin; ang kanyang katawan ay nasa Aking harapan, nguni’t ang kanyang puso ay nasa Aking likuran. Dahil ang pang-unawa ng tao sa mga alituntunin ay kulang na kulang at wala siyang interes na humarap sa Akin, nagbibigay Ako sa kanya ng angkop na tulong, upang maaari siyang bumaling sa Akin mula sa gitna ng kanyang naninindigang kamangmangan. Ito ang talagang awa na Aking ibinibigay sa tao, at ito ang paraan ng Aking pagsusumikap upang iligtas ang tao.


Ipinagdiriwang ng tao sa buong sansinukob ang araw ng Aking pagdating, at ang mga anghel ay lumalakad sa gitna ng masa. Kapag si Satanas ay nagsasanhi ng kaguluhan, ang mga anghel, dahil sa kanilang paglilingkod sa langit, ay laging tumutulong sa Aking bayan. Hindi sila nalilinlang ng diyablo bunga ng kahinaan ng tao nguni’t, bilang resulta ng mabangis na pagsalakay ng mga puwersa ng kadiliman, lalong sinusubukang makakuha ng higit na karanasan sa buhay ng tao sa kabila ng hamog. Nagpapasakop ang lahat ng tao sa ilalim ng Aking pangalan, at walang sinumang nag-aaklas upang lantarang sumalungat sa Akin. Dahil sa pagpapagal ng mga anghel, tinatanggap ng tao ang Aking pangalan at ang lahat ay nasa gitna ng daloy ng Aking gawain. Bumabagsak ang sanlibutan! Paralisado ang Babilonia! Ang mundong relihiyoso—paano ito hindi mawawasak ng Aking awtoridad sa lupa? Sino pa ang nangangahas na sumuway at tumutol sa Akin? Ang mga eskriba? Lahat ng relihiyosong opisyal? Ang mga pinuno at mga awtoridad sa lupa? Ang mga anghel? Sino ang hindi makikipagdiwang sa pagka-perpekto at kapuspusan ng Aking katawan? Sa mga tao, sino ang hindi kumakanta ng mga papuri sa Akin nang walang tigil, sino ang hindi masayang walang-maliw? Naninirahan Ako sa lupain ng pugad ng malaking pulang dragon, nguni’t hindi ito nagsasanhi sa Akin nang panginginig sa takot o pagtakbo palayo, dahil ang lahat ng mga tao nito ay nagsisimula nang masuklam dito. Hindi kailanman nagagampanan ang “tungkulin” ng anumang bagay sa harap ng dragon; sa halip, ang lahat ng bagay ay patuloy sa sarili nitong kaabalahan, pinipili ang landas na mainam para sa mga ito. Paanong ang mga bansa sa mundo ay hindi malilipol? Paanong ang mga bansa sa lupa ay hindi babagsak? Paanong ang Aking bayan ay hindi magsasaya? Paanong hindi sila aawit nang may kagalakan? Ito ba ang gawain ng tao? Ito ba ang ginagawa ng mga kamay ng tao? Ibinigay Ko sa tao ang ugat ng kanyang pag-iral, at pinagkalooban siya ng mga materyal na bagay, nguni’t ang tao ay hindi kuntento sa kanyang kasalukuyag kalagayan at humihiling na siya’y pumasok sa Aking kaharian. Nguni’t paano siya madaling makakapasok sa Aking kaharian, na walang napagbabayarang halaga, at hindi nais na maghandog ng kanyang walang pag-iimbot na debosyon? Sa halip na humingi ng anuman sa tao, nagbigay Ako ng mga kinakailangan mula sa kanya, upang ang Aking kaharian sa lupa ay mapuno ng kaluwalhatian. Aking nagagabayan ang tao patungo sa kasalukuyang kapanahunan, siya ay umiiral sa katayuang ito, at siya ay nabubuhay sa gitna ng paggabay ng Aking liwanag. Kung ito ay hindi ganoon, sino sa mga tao sa lupa ang makakaalam ng kanilang mga pagkakataon? Sino ang makakaunawa ng Aking kalooban? Idinaragdag Ko ang Aking mga probisyon sa mga kinakailangan ng tao; hindi ba ito alinsunod sa mga batas ng kalikasan?


Kahapon kayo ay namuhay sa gitna ng hangin at ulan, ngayon nakapasok kayo sa Aking kaharian at naging mga tao nito, at inyong matatamasa bukas ang Aking mga pagpapala. Sino kailanman ang nag-akala ng mga ganoong bagay? Gaano karaming kagipitan at paghihirap ang inyong mararanasan sa inyong buhay, alam ba ninyo? Ako’y nagpapauna sa gitna ng hangin at ulan, at nakikisalamuha nang taun-taon sa tao, at iyon ay sinundan ng kasalukuyan. Hindi ba ito ang mga hakbang ng Aking plano ng pamamahala? Sino kailanman ang nagdaragdag sa Aking plano? Sino ang nakakahiwalay mula sa mga hakbang sa Aking plano? Ako ay naninirahan sa puso ng daang-milyong mga tao, Ako ay Hari sa daang-milyong mga tao, at Ako ay natatanggihan at naaalipusta na ng daang-milyong mga tao. Ang Aking imahe ay hindi tunay na nasa loob ng puso ng tao. Bahagya lamang naaaninag ng tao ang Aking maluwalhating anyo sa Aking mga salita, ngunit dahil sa panghihimasok sa kanyang mga kaisipan, wala siyang tiwala sa kanyang sariling damdamin; mayroon lamang isang malabong Ako sa kanyang puso, nguni’t hindi ito nagtatagal doon. At kaya, ang kanyang pagmamahal sa Akin ay ganito: Ang kanyang pagmamahal sa Aking tingin ay pasumpung-sumpong, na para bang minamahal niya Ako kung kailan naisin, na parang ang kanyang pagmamahal ay kikindat-kindat sa ilalim ng malabong sikat ng buwan. Ngayon, dahil lamang sa Aking pagmamahal kaya ang tao ay nananatili at nagkakaroon ng mabuting kapalaran upang mabuhay. Kung hindi ganito, sino sa sangkatauhan ang hindi, bilang resulta ng kanilang mga patpating pangangatawan, mapuputol ng liwanag ng laser? Hindi pa rin kilala ng tao ang kanyang sarili. Nagyayabang siya sa Akin, at ipinagmamalaki ang kanyang sarili sa Aking likuran, nguni’t walang sinuman ang nangangahas na “sumalungat” sa Akin sa Aking harapan. Gayunman, hindi alam ng tao ang kahulugan ng pagsalungat na Aking binabanggit; sa halip, patuloy niya Akong sinusubukang linlangin, at patuloy sa pagtataas ng kanyang sarili—at dito, hindi ba siya lantarang sumasalungat sa Akin? Nagpaparaya Ako sa kahinaan ng tao, nguni’t wala Akong kahit na katiting na pagluluwag sa pagsalungat ng tao na sariling kagagawan. Kahit alam niya ang kahulugan nito, ayaw niyang kumilos alinsunod sa kahulugang ito at nililinlang lamang Ako ayon sa kanyang sariling mga pagpili. Ginagawa Kong malinaw ang Aking disposisyon sa Aking mga salita sa lahat ng oras, nguni’t ang tao ay hindi tumatanggap ng pagkatalo—at kasabay niyon, siya ay nagbubunyag ng kanyang disposisyon. Sa gitna ng Aking paghatol ang tao ay lubos na mahihikayat, at sa gitna ng Aking pagkastigo isasabuhay niya sa wakas ang Aking larawan at magiging Aking pagpapakita sa lupa!


Marso 22, 1992

Pinagmumulan :  https://tl.kingdomsalvation.org/the-twenty-second-utterance-2.html

Commenti
* L'indirizzo e-mail non verrà pubblicato sul sito Web.
QUESTO SITO È STATO CREATO TRAMITE