15 Aug

Hindi kailanman nahihipo ng pag-uugali ng tao ang Aking puso, ni hindi Ko kailanman naiisip ito bilang mahalaga. Sa mata ng tao, laging mahigpit ang pagtrato Ko sa kanya, at lagi Kong inilalapat ang awtoridad sa kanya. Sa lahat ng mga pagkilos ng tao, halos walang anumang nagagawa para sa Aking kapakanan, halos walang anuman na nakatayong matatag sa Aking harapan. Sa kahuli-hulihan, guguho sa harapan Ko nang hindi nahahalata ang lahat ng mga bagay na nauukol sa tao, at pagkatapos lamang Aking ipamamalas ang Aking mga pagkilos, nagsasanhi na makilala Ako ng lahat ng tao sa pamamagitan ng sarili nilang kabiguan. Ang kalikasan ng tao ay nananatiling hindi nagbabago. Kung ano ang nasa kaibuturan ng kanilang mga puso ay hindi alinsunod sa kalooban Ko—hindi ito ang kinakailangan Ko. Ang pinaka-kinamumuhian Ko sa lahat ay ang pagkasuwail ng tao at ang kanyang pagbabalik sa dati, nguni’t ano kayang kapangyarihan ang nag-uudyok sa sangkatauhan para patuloy na mabigong makilala Ako, upang panatilihin Akong nasa malayo, at hindi kailanman makakilos ayon sa Aking kalooban sa harapan Ko bagkus ay sinasalungat Ako sa Aking likuran? Ito ba ang kanilang katapatan? Ito ba ang pag-ibig nila para sa Akin? Bakit hindi sila nakakapagsisi at naisisilang na muli? Bakit magpakailanmang ginugusto ng mga tao na mamuhay sa balaas sa halip na sa isang lugar na walang putik? Maaari kayang trinato Ko sila nang masama? Maaari kayang ipinahamak Ko sila? Maaari kayang inaakay Ko sila sa impiyerno? Lahat ay payag manirahan sa “impiyerno.” Kapag dumarating ang liwanag, dagling nabubulag ang kanilang mga mata, dahil ang lahat ng bagay na taglay nila roon ay nagmumula sa impiyerno. Nguni’t ang sangkatauhan, ignorante tungkol dito, ay nagtatamasa lamang ng mga “malaimpiyernong pagpapala.” Hinahawakan pa nila ang mga ito bilang mga kayamanang malapit sa kanilang mga dibdib, na may matinding takot na aagawin Ko ang mga ito, iniiwan silang walang “mapagkukunan ng ikabubuhay.” Takot ang mga tao sa Akin, kaya nananatili silang malayo sa Akin at namumuhing lumapit sa Akin kapag Ako’y dumarating sa lupa, sapagka’t ayaw nilang “gumawa ng gulo para sa kanilang mga sarili,” ang nais nila sa halip ay mapanatili ang isang mapayapang buhay-pamilya upang matamasa nila ang “kaligayahan sa lupa.” Subali’t hindi Ko maaaring pahintulutan ang sangkatauhan na gawin kung ano ang kanilang mga kagustuhan, sapagka’t ang pagsira sa pamilya ng isang tao ang talagang gagawin ko rito. Mula sa sandali ng Aking pagdating mawawala ang kapayapaan sa kanilang mga tahanan. Dudurugin Ko ang lahat ng mga bansa, kasama na ang pamilya ng tao. Sino ang makaliligtas mula sa Aking pagkakahawak? Maaari kayang yaong mga nakakatanggap ng mga pagpapala ay makaligtas sa bisa ng kanilang hindi pagpayag? Maaari kayang matamo niyaong mga nagdurusa ng pagkastigo ang Aking pagdamay sa bisa ng kanilang takot? Sa lahat ng Aking mga salita, nakita ng mga tao ang Aking kalooban at mga pagkilos, nguni’t sino ang maaaring kailanman ay makawalâ mula sa gusot ng sarili niyang mga kaisipan? Sino ang maaaring kailanman ay makahanap ng isang paraan upang makaalis mula sa loob o labas ng Aking mga salita?


Ang mga tao ay nakaranas ng Aking pagkagiliw, matapat silang nagsilbi sa Akin at taos-pusong sumunod sa Akin at ginagawa nila ang lahat para sa Akin sa Aking presensya. Nguni’t hindi magawang maabot ng mga tao ngayon ang ganitong kalagayan, at nagdadalamhati na lamang sila sa kanilang mga espiritu na parang inagaw ng isang matakaw na lobo. Nakakatingin lamang sila sa Akin na walang magáwâ, walang-tigil silang sumisigaw para sa Aking tulong, nguni’t sa katapusan, hindi nila natatakasan ang kanilang kinasasadlakan. Naaalala Ko kung paano nangako ang mga tao noon sa Aking presensya, nanunumpa sa langit at lupa sa Aking presensya upang bayaran ang Aking kagandahang-loob ng kanilang pagmamahal. Umiiyak silang may kalungkutan sa Aking harapan, at ang tunog ng mga iyak nila ay nakakasakit ng damdamin at mahirap na tiisin. Madalas Kong tulungan ang sangkatauhan dahil sa tibay ng kanilang kapasyahan. Sa hindi-mabilang na mga pagkakataon, nakakarating ang mga tao sa Aking harapan upang magpasakop sa Akin, sa isang kaibig-ibig na paraang mahirap kalimutan. Sa hindi-mabilang na mga pagkakataon ay minamahal nila Ako nang may matibay na katapatan, at kahanga-hanga ang kanilang taos-pusong damdamin. Sa hindi-mabilang na mga pagkakataon, minamahal nila Ako hanggang sa punto na inilalagay nila sa panganib ang kanila mismong mga buhay, iniibig nila Ako nang higit pa sa kanilang mga sarili, at tinatanggap Ko ang kanilang pag-ibig dahil nakikita Ko ang kanilang katapatan. Sa hindi-mabilang na mga pagkakataon, iniaalay nila ang kanilang mga sarili sa Aking presensya, hindi sila nababahala sa harap ng kamatayan para sa Akin, at inaalis Ko ang pag-aalala sa kanilang mga mukha, at maingat Kong iniintindi ang kanilang mga kalagayan. May mga hindi-mabilang na pagkakataon na iniibig Ko sila na tulad ng sarili Kong kayamanan, at mayroon ding hindi-mabilang na mga pagkakataon na kinamumuhian Ko sila bilang sarili Kong kalaban. Ganoon Ako—hindi kailanman naaarok ng tao kung ano ang nasa Aking isipan. Kapag nalulungkot ang mga tao, dumarating Ako upang aliwin sila, at kapag mahina sila, dumarating Ako upang tulungan sila. Binibigyan Ko sila ng direksyon kapag nawawala sila. Kapag sila’y umiiyak, pinupunasan Ko ang kanilang mga luha. Gayunman, kapag nalulungkot Ako, sino ang nakaaaliw sa Akin sa pamamagitan ng kanilang mga puso? Kapag nag-aalala Ako nang labis, sino ang nagsasaalang-alang sa Aking mga damdamin? Kapag nalulungkot Ako, sino ang nakakapawi sa sakit na nararamdaman Ko? Kapag kailangan Ko ang isang tao, sino ang kusang mag-aalok upang makipagtulungan sa Akin? Maaari bang ang nakaraan nilang saloobin sa Akin ay nawala na ngayon at hindi na magbabalik kailanman? Bakit wala nang natira kahit kaunti sa kanilang mga alaala? Paanong nakalimutan na ng mga tao ang lahat ng mga bagay na ito? Hindi kaya lahat ng ito’y dahil ang sangkatauhan ay pinasasamâ ng kanilang kaaway?


Kapag ang mga anghel ay tumutugtog ng musika sa pagpupuri sa Akin, hindi Ko napipigilan ang Aking pagkaawa sa tao. Bigla Akong nakakaramdam ng malubhang kalungkutan sa Aking puso, at mahirap pawiin sa Aking sarili ang masakit na damdaming ito. Sa mga kasiyahan at kalungkutan ng pagkakahiwalay at pagkatapos ay muling nakasama ang tao, hindi kami nakakapagpalitan ng mga saloobin. Magkabukod sa langit sa itaas at sa ibaba sa lupa, hindi namin magawa ng tao na magtagpo nang palagian. Sino ang nakakalaya mula sa galimgim? Sino ang nakakapigil sa pag-alala sa nakaraan? Sino ang hindi masasabik na umasam sa pagpapatuloy ng masayang damdamin ng nakaraan? Sino ang hindi umaasa sa Aking pagbabalik? Sino ang hindi nagnanais sa muli Kong pakikiisa sa tao? Malalim ang pagkabagabag ng Aking puso, at matindi ang pag-aalala ng espiritu ng tao. Bagama’t pareho ang aming mga espiritu, hindi kami maaaring magkasama nang madalas, at hindi namin maaaring makita ang isa’t isa nang madalas. Sa gayong paraan punô ng dalamhati at walang sigla ang buhay ng sangkatauhan, dahil laging nananabik ang tao sa Akin. Ang mga tao ay parang mga bagay na bumagsak mula sa langit; isinisigaw nila ang pangalan Ko sa lupa, tumitingala sila sa Akin mula sa lupa—nguni’t paano sila makakatakas mula sa bibig ng gutom na gutom na lobo? Paano sila makakawalâ mula sa mga pagbabanta at mga panunukso nito? Paanong hindi isasakripisyo ng mga tao ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng pagsunod sa pagsasaayos ng Aking plano? Kapag malakas ang kanilang pagmamakaawa, inilalayo Ko ang mukha Ko sa kanila, hindi Ko na kayang saksihan ito; gayunpaman, paanong hindi Ko maririnig ang tunog ng kanilang mga pag-iyak? Itatama Ko ang mga kawalan-ng-hustisya sa mundo ng tao. Personal Kong gagawin ang Aking gawain sa buong mundo, hindi Ko na hahayaan si Satanas na muling saktan ang Aking bayan, pagbabawalan Ko ang mga kaaway na gawin muli ang anumang gusto nila. Magiging Hari Ako sa lupa at ililipat Ko ang Aking trono doon, payuyukuin Ko ang lahat ng Aking mga kaaway sa lupa at ipakukumpisal ang kanilang mga krimeng nagawa sa Aking harapan. Tatapakan Ko ang buong sansinukob dahil sa magkahalong lungkot at galit Ko, walang isa mang itinitira, at sinisindak ang lahat ng Aking mga kaaway. Wawasakin Ko ang buong lupa, at pababagsakin ang mga kaaway Ko sa mga guhò, upang mula ngayon ay hindi na nila mapápasámâ ang sangkatauhan. Buo na ang Aking plano, at walang sinuman, maging sino man sila, ang maaaring makapagpabago nito. Habang naglilibot Ako sa makaharing parada sa ibabaw ng sansinukob, magagawang bago ang lahat ng mga tao, at mapapasigla ang lahat ng mga bagay. Hindi na iiyak ang tao, at hindi na sila sisigaw sa Akin para tulungan. Sa gayon magagalak ang Aking puso, at babalik ang mga tao upang makipagdiwang sa Akin. Magbubunyi ang buong sansinukob, mula sa itaas hanggang sa ibaba, dahil sa kagalakan …


Ginagawa Ko na ngayon ang gawain na itinakda Kong tuparin sa gitna ng mga bansa ng mundo. Naglilibot Ako sa kalagitnaan ng sangkatauhan, ginagawa ang lahat ng gawain sa loob ng Aking plano, at winawasak ng lahat ng tao ang iba’t ibang mga bansa ayon sa Aking kalooban. Habang papalapit ang araw at pinapatunog ng mga anghel ang kanilang mga trumpeta, nakatutok lamang ang mga tao sa lupa sa sarili nilang hantungan. Wala nang mga pagkaantala, at magsisimula nang sumayaw sa kagalakan ang buong sangnilikha. Sino ang makakapagpalawig ng Aking araw sa kanilang kalooban? Isang taga-lupa? O ang mga bituin sa himpapawid? O ang mga anghel? Kapag Ako ay gumawa ng isang pagbigkas upang simulan ang pagliligtas ng mga tao ng Israel, nalalapit na ang araw Ko sa buong sangkatauhan. Kinatatakutan ng bawa’t tao ang pagbabalik ng Israel. Kapag bumabalik ang Israel, iyan na ang araw ng kaluwalhatian Ko, at magiging ang araw din kung kailan mapapalitan ang lahat ng bagay at mapapanibago. Sa napipintong pagdating ng matuwid na paghatol sa buong sansinukob, pinanghihinaan ng loob ang lahat ng tao at natatakot, dahil hindi pa nababalita ang pagkamatuwid sa mundo ng tao. Kapag lumitaw ang araw ng pagkamatuwid, maiilawan ang Silangan, at pagkatapos nito ay paliliwanagin nito ang buong sansinukob, na umaabot sa lahat. Kung talagang magagawa ng tao ang Aking pagkamatuwid, ano ang dapat na katakutan? Hinihintay ng lahat ng mga tao Ko ang pagdating ng Aking araw, inaasam nila ang pagdating ng araw Ko. Hinihintay nila Ako upang gantimpalaan ang buong sangkatauhan at isaayos ang hantungan ng sangkatauhan sa Aking papel bilang ang Araw ng pagkamatuwid. Nagkakahugis na ang Aking kaharian sa ibabaw ng buong sansinukob, at sinasakop ng Aking trono ang mga puso ng daan-daang milyon na mga tao. Sa tulong ng mga anghel, malapit nang madala sa kaganapan ang dakila Kong gawain. Pigil-ang-hiningang hinihintay ng lahat ng Aking mga anak-na-lalaki at ng Aking bayan ang Aking pagbabalik, inaasam nila ang muli Kong pakikisama sa kanila, hindi na kailanman maghihiwalay muli. Dahil sa pakikisalamuha Ko sa kanila, paanong hindi mag-uunahang palapit sa isa’t isa ang napakaraming mga tao sa Aking kaharian sa buong-kagalakang pagdiriwang? Wala kayang halagang kailangang mabayaran para sa muling pagsasamang ito? Marangal Ako sa mga mata ng lahat ng tao, ipinahahayag Ako sa mga salita ng lahat. Sa Aking pagbabalik, mas lalo Ko pang lulupigin ang lahat ng mga puwersa ng kaaway. Ang oras ay dumating na! Patatakbuhin Ko ang Aking gawain, maghahari Ako sa kalagitnaan ng tao! Pabalik na Ako! Paalis na Ako! Ito ang inaasam ng lahat, ito ang kanilang inaasahan. Tutulutan Ko ang buong sangkatauhan na makita ang pagdating ng Aking araw, at hahayaan silang malugod na salubungin ang pagdating ng Aking araw!


Abril 2, 1992

Magrekomenda nang higit pa : Pagsunod sa kalooban ng Diyos

Commenti
* L'indirizzo e-mail non verrà pubblicato sul sito Web.
QUESTO SITO È STATO CREATO TRAMITE