14 Sep
Pagpapahayag ng Makapangyarihang Diyos | Kabanata 5

Kapag ang Aking Espiritu ay nagsasalita, ipinapahayag nito ang Aking buong disposisyon. Malinaw ba kayo rito? Ang maging malabo sa puntong ito ay katumbas ng pagsalungat sa Akin nang tuwiran. Tunay ba ninyong nakikita ang kahalagahan nito? Alam ba talaga ninyo kung gaano kalaking pagsisikap, kung gaanong lakas, ang Aking ginugugol sa inyo? Talaga bang nangangahas kayong ilantad ang nagáwâ ninyo sa harap Ko? At mayroon pa kayong lakas ng loob na tawagin ang inyong mga sarili na Aking bayan sa Aking harapan—wala kayong nadaramang kahihiyan, lalong walang katuwiran! Sa malao’t madali, ang mga taong ganito ay mapapaalis mula sa Aking bahay. Huwag kang lalapit bilang matandang sundalo sa Akin, iniisip na nakakatayo ka para sa Aking patotoo! Isa ba itong bagay na kayang gawin ng sangkatauhan? Kung wala nang natira sa iyong mga intensyon at mga mithiin, sana’y matagal ka nang nagtungo sa ibang landas. Iniisip mo ba na hindi Ko alam kung gaano karami ang kayang hawakan ng puso ng tao? Simula sa oras na ito, sa lahat ng mga bagay ay kailangan mong pumasok sa katunayan ng pagsasagawa; ang basta pagdaldal, katulad ng iyong nakasanayang gawin, ay hindi na uubra. Sa nakaraan, karamihan sa inyo ay nagawang makinabang sa ilalim ng Aking bubong; ang katunayang nakakaya ninyong tumayo nang matatag ngayon ay dahil sa bigat ng Aking mga salita. Sa palagay mo ba ang Aking mga salita ay basta na lamang sinabi nang walang layon? Imposible! Tinutunghan Ko ang lahat ng mga bagay sa ibaba mula sa itaas, at sumasakop sa lahat ng mga bagay mula sa itaas. Sa parehong paraan, ipinadala ko ang Aking pagliligtas sa ibabaw ng lupa. Walang isa mang sandali kahit kailan na hindi Ko minamasdan, mula sa Aking sikretong lugar, ang bawa’t galaw ng sangkatauhan, lahat ng sinasabi nila at ginagawa. Ang sangkatauhan para sa Akin ay isang nakabukas na aklat: Nakikita ko at kilala ko ang bawa’t isa at lahat. Ang sikretong lugar ay ang Aking tahanan, at ang pinakamataas na langit ang kama na Aking kinahihigaan. Ang mga puwersa ni Satanas ay hindi nakakaabot sa Akin, dahil Ako ay umaapaw sa kamahalan, pagkamatuwid, at paghatol. Ang hindi maisaysay na hiwaga ay naninirahan sa Aking mga salita. Kapag Ako ay nagsasalita, kayo ay nagiging parang mga ibon na kahahagis lamang sa tubig, nagulantang ng pagkalito, o mga batang kasisindak lamang, tila walang muwang, dahil ang inyong espiritu ay nahulog tungo sa isang katayuan ng pagkatuliro. Bakit Ko sinasabi na ang sikretong lugar ay ang Aking tahanan? Alam mo ba ang mas malalim na kahulugan ng Aking sinasabi? Sino sa lahat ng sangkatauhan ang may kakayahang kilalanin Ako? Sino ang may kakayahang kilalanin Ako katulad ng pagkakilala nila sa sarili nilang ama at ina? Habang nagpapahinga sa Aking tahanan, nagmamasid Akong mabuti: Lahat ng mga tao sa mundo ay nagmamadali, “naglalakbay sa buong mundo” at nagmamadaling paroo't parito, lahat para sa kapakanan ng kanilang tadhana, ng kanilang hinaharap. Nguni’t ni isa ay walang lakas na mailaan para sa pagtatayo ng Aking kaharian, ni kahit katiting tulad ng lakas na maaring gamitin sa paghinga. Nilikha Ko ang sangkatauhan, at naililigtas Ko sila nang maraming beses mula sa kapighatian, nguni’t ang lahat ng mga taong ito ay mga walang-utang-na-loob: Walang ni isa sa kanila ang nakakayang bilangin ang lahat ng mga pagkakataon ng Aking pagliligtas. Ilang mga taon, ilang mga siglo ang nakalipas simula nang nilikha ang mundo hanggang sa kasalukuyang panahon, at ilang mga himala ang Aking nagawa, at ilang beses ipinakita ang Aking karunungan? Pero ang tao, katulad ng isang baliw na may demensya at pamamanhid o, mas malala pa, paminsan-minsan ay parang mabangis na hayop na nag-aalsa sa kagubatan, ay walang ni katiting na hangaring limiin ang Aking mga kapakanan. Maraming beses Ko nang binigyan ang tao ng senstensya ng kamatayan at hinatulang mamatay, subali’t ang plano ng Aking pamamahala ay hindi mababago ng sinuman. Kung kaya ang tao ay, nasa mga kamay Ko pa rin, nagmamayabang sa lumang mga bagay na kanyang kinakapitan. Dahil sa mga hakbang ng Aking gawain, Ako ay, minsan pa, sumagip sa inyo, kayong mga nilalang na ipinanganak sa malaking pamilya ng tiwali, sira, marumi, at sakim.


Ang gawaing Aking binalak ay parating sumusulong nang walang-tigil kahit isang saglit. Sa paglipat sa Kapanahunan ng Kaharian, at sa pagdadala sa inyo sa Aking kaharian bilang Aking bayan, magkakaroon Ako ng ibang mga hihingin sa inyo; ang ibig sabihin, sisimulan Ko nang ihayag sa inyong harap ang konstitusyon ng Aking pamumuno sa panahong ito:


Dahil tinatawag kayong Aking bayan, dapat ninyong makayang luwalhatiin ang Aking pangalan, iyan ay, maging patotoo sa gitna ng pagsubok. Kung ang sinuman ay nagtatangkang linlangin Ako at magtatago ng katotohanan mula sa Akin, o sumali sa masamang gawain sa likod Ko, sila ay walang-pasubaling hahabuling palabas, paaalisin mula sa Aking tahanan upang maghintay ng paglilitis. Yaong mga naging taksil at hindi masunurin sa Akin sa nakaraan, at ngayon ay tumatayong muli upang hatulan Ako nang lantaran, sila rin ay hahabulin palabas sa Aking tahanan. Yaong Aking bayan ay dapat palaging nagmamalasakit para sa Aking mga pasanin at naghahanap din na malaman ang Aking mga salita. Ang mga taong katulad lamang nito ang Aking liliwanagan, at sila ay siguradong mabubuhay sa ilalim ng Aking patnubay at pagliliwanag, nang wala kailanmang matatagpuang pagkastigo. Yaong mga, nabibigong magmalasakit para sa Aking mga pasanin, nagtutuon ng pansin sa pagpaplano ng kanilang sariling mga hinaharap, iyan ay, yaong hindi nagmimithi na ang kanilang mga paggawa ay magbigay-kasiyahan sa Aking puso bagkus ay upang manghingi ng libreng tulong, itong mga tila-pulubing nilalang ay walang-pasubaling tatanggihan Kong gamitin, dahil mula sa sandaling sila ay isinilang wala silang alam kung ano ang kahulugan ng pagmamalasakit sa Aking mga pasanin. Sila ay mga taong walang matinong pag-iisip; ang mga taong tulad nito ay may sakit na “malnutrisyon” sa utak, at kailangang umuwi para sa ilang “pagkain.” Wala Akong paggagamitan para sa mga tao ng ganitong uri. Sa Aking bayan, ang bawa’t isa ay kakailanganing magpalagay na ang pagkilala sa Akin ay isang obligadong tungkuling tutuparin hanggang sa katapusan, tulad ng pagkain, pagbibihis, at pagtulog, isang bagay na hindi nakakalimutan ng isang tao kahit saglit, upang sa katapusan ang pagkakilala sa Akin ay magiging isang pamilyar na kasanayan katulad ng pagkain, bagay na ginagawa mo nang walang-hirap, ng praktisadong kamay. Tungkol naman sa mga salitang Aking sinasabi, bawa’t isa nito ay dapat kuhanin nang may sukdulang katiyakan at ganap na unawain; hindi nagkakaroon ng paimbabaw at hilaw na pagtanggap. Sinuman ang hindi pumapansin sa Aking mga salita ay ipapalagay na deretsahang tumututol sa Akin; sinuman ang hindi kumakain sa Aking mga salita, o hindi naghahanap na malaman ang mga iyon, ay ipapalagay na hindi nagbibigay-pansin sa Akin, at deretsahang wawalisin palabas ng pinto ng Aking tahanan. Dahil, tulad ng sinabi ko na sa nakaraan, ang nais Ko ay hindi ang dami ng bilang ng mga tao, kundi ang iilang pinili lamang. Mula sa isandaang katao, kung iisa lamang ang nakakikilala sa Akin sa pamamagitan ng Aking mga salita, kung gayon ay maluwag sa kalooban Ko na itapon ang natitirang iba upang ituon ang pagliliwanag at pag-iilaw sa nag-iisang ito. Mula rito ay nakikita ninyo, hindi talagang totoo na sa malaking bilang lamang Ako naihahayag, na naisasabuhay Ako. Ang Aking gusto ay trigo (kahit na ang butil ay maaaring hindi puno) at hindi mga dawag (kahit na ang butil ay halos puno na para makatawag-pansin). Tungkol naman sa mga hindi nagsasaalang-alang sa paghahanap bagkus ay kumikilos nang pabáyâ, dapat na sila ay umalis nang kusa; ayaw Ko na silang makitang muli, kung hindi ay patuloy silang magbibigay ng kahihiyan sa Aking pangalan. Kung ano ang kinakailangan Ko sa Aking mga tao, titigil Ako sa mga alituntuning ito sa ngayon, at maghihintay upang gumawa ng karagdagang mga parusa depende kung paano nagbabago ang mga pangyayari.


Sa nakaraang mga araw, ang karamihan sa mga tao ay nag-iisip na Ako ang Diyos Mismo ng karunungan, na Ako ang siyang Diyos na nakakita sa kaibuturan ng puso ng mga tao; nguni’t lahat ito ay mababaw na usapan. Kung ang tao ay totoong nakakilala sa Akin, hindi sana siya kaagad-agad maghuhusga, nguni’t sa halip ay patuloy na susubukang kilalanin Ako sa pamamagitan ng Aking mga salita. Tanging kapag nakarating siya sa yugto kung saan totoong nakita niya ang Aking mga gawa, saka siya nagiging karapat-dapat na magsabing Ako ay Marunong, na Ako ay Kahanga-hanga. Ang pagkakilala ninyo sa Akin ay napakababaw. Sa buong mga kapanahunan, ilang katao ang naglingkod sa Akin nang maraming taon at, yaring nakakita sa Aking mga gawa, tunay na may nalamang bagay tungkol sa Akin; at kung kaya sila ay palaging may mapagkumbabang puso tungo sa Akin, hindi nangangahas na magtanim sa kalooban ng kaunti mang intensyon na tumutol sa Akin, dahil napakahirap na hanapin ang Aking mga bakas. Kung wala ang Aking patnubay sa gitna ng mga taong ito, ay hindi sila mangangahas na kumilos nang padalus-dalos, at kaya, pagkatapos makapamuhay sa maraming taon ng karanasan, sa huli'y kanilang ipinakahulugan bilang pangkalahatan ang isang bahagi ng kaalaman tungkol sa Akin, sinasabing Ako ay Marunong, Kahanga-hanga at Tagapayo, na ang mga salita Ko ay parang may-dalawang-talim na espada, na ang mga gawa ko ay dakila, lubhang kagila-gilalas, at nakamamangha, na Ako ay nakasuot ng kamahalan, na ang Aking karunungan ay lampas sa papawirin, at iba pang mga pagkakita. Nguni’t sa araw na ito ay kinikilala lamang ninyo Ako sa pundasyon na kanilang nailalatag, kaya ang malaking karamihan sa inyo, tulad ng mga loro, ay sinasalita lamang ang mga salita na kanilang nasasabi. Ito ay dahil lamang sa isinaalang-alang Ko kung gaano kababaw ang paraan ng pagkakilala ninyo sa Akin at gaano kababa ang inyong “pinag-aralan” kaya napapalibri Ko kayo sa napakaraming pagkastigo. Magkagayunman, ang malaking karamihan sa inyo ay hindi pa rin kilala ang inyong mga sarili, o iniisip ninyo na naaabot na ninyo ang Aking kalooban sa mga gawa ninyo, at sa katuwirang ito ay nakaligtas na sa paghatol. O iniisip ninyo na, pagkatapos na nagiging katawang-tao, ay ganap kong naiwala ang pagsubaybay sa mga ginagawa ng tao, at sa kadahilanang ito ay nakaligtas rin kayo sa pagkastigo. O iniisip ninyo na ang Diyos na pinaniniwalaan ninyo ay hindi umiiral sa malawak na mga bahagi ng sansinukob, at kaya ibinaba ninyo na ang pagkilala sa Diyos sa isang pang-araw-araw na gawain na gagawin sa libre ninyong oras sa halip na panghawakan ninyo ito sa inyong mga puso bilang isang tungkulin na dapat tuparin, gamit ang paniniwala sa Diyos bilang isang paraan ng pampalipas-oras kaysa naman gugulin sa kawalang-kabuluhan. Kung hindi Ako naaawa sa inyong kakulangan ng kakayahan, katuwiran, at mga pagkakita, kung gayon lahat kayo ay malilipol sa gitna ng Aking pagkastigo, pinawi mula sa pag-iral. Nguni’t hanggang sa ang Aking gawain sa mundo ay matapos, mananatili Akong maluwag sa sangkatauhan. Ito ay isang bagay na dapat malaman ninyong lahat. Tigilan na ang pagkalito sa kabutihan at kasamaan.


Pebrero 25, 1992

Pinagmumulan:https://tl.kingdomsalvation.org/the-fifth-utterance-2.html

Commenti
* L'indirizzo e-mail non verrà pubblicato sul sito Web.
QUESTO SITO È STATO CREATO TRAMITE