19 Aug

Sa pagtunog ng Aking tinig, sa pagsiklab ng apoy mula sa Aking mga mata, pinanonood Ko ang buong mundo, pinagmamasdan Ko ang buong sansinukob. Nananalangin sa Akin ang buong sangkatauhan, tumitingala sila sa Akin, nagmamakaawa sa Aking itigil Ko ang Aking galit, at isinusumpang hindi na magrerebelde laban sa Akin. Nguni’t hindi na ito ang nakaraan; ito ay kasalukuyan. Sino ang makapagpapaurong sa Aking kalooban? Tiyak na hindi ang panalangin sa loob ng mga puso ng mga tao, ni ang mga salita sa kanilang mga bibig? Kung hindi dahil sa Akin, sino ang nakaliligtas hanggang sa kasalukuyan? Sino ang nabubuhay maliban sa pamamagitan ng mga salita ng Aking bibig? Sino ang hindi nagsisinungaling sa ilalim ng mapagmatyag Kong mga mata? Sa Aking pagsasakatuparan ng bago Kong gawain sa buong lupa, sino na ang may kakayahang makatakas mula rito? Maaari kayang naiiwasan ito ng mga bundok sa pamamagitan ng kanilang taas? Maaari kayang naitataboy ito ng katubigan, sa pamamagitan ng kanilang pagkarami-raming kalakhan? Sa Aking plano, kailanma’y walang anumang bagay ang basta-basta Kong hinahayaang lumisan, kaya wala kailanman kahit sinong tao, o anumang bagay, ang nakakahulagpos mula sa pagkakahawak ng Aking mga kamay. Itinatanghal ngayon ang banal Kong pangalan sa buong sangkatauhan, at muli, lumalabas sa buong sangkatauhan ang mga salita ng pagsalungat laban sa Akin, at laganap sa buong sangkatauhan ang mga alamat tungkol sa Aking pagiging nasa lupa. Hindi Ko hinahayaang gumagawa ang tao ng kanilang mga paghatol tungkol sa Akin, ni hinahayaan Kong paghati-hatian nila ang Aking katawan, mas lalong hindi Ko hinahayaan ang kanilang mga panlalait laban sa Akin. Dahil kailanman ay hindi niya Ako ganap na nakikilala, palagi Akong sinusuway at nililinlang ng tao, nabibigong mahalin ang Aking Espiritu o pahalagahan ang mga salita Ko. Para sa bawa’t gawa at pagkilos niya, at para sa saloobing taglay niya tungo sa Akin, ibinibigay Ko sa tao ang “gantimpala” na nararapat sa kanya. Kaya, kumikilos lahat ang mga tao na nakatingin sa kanilang gantimpala, at wala kahit isa ang nakakagawa kailanman ng anumang gawain nang may pagsasakripisyo-ng-sarili. Ayaw ng mga tao na gumawa ng hindi-makasariling paghahandog, nguni’t nagagalak sila sa mga gantimpala na nakukuha nang walang kapalit. Kahit inilaan ni Pedro ang sarili niya sa harapan Ko, hindi ito para sa kapakanan ng gantimpala sa hinaharap, kundi para ito sa kapakanan ng kaalaman sa kasalukuyan. Kailanman ay hindi nakakapasok ang sangkatauhan tungo sa tunay na pakikipag-ugnayan sa Akin, nguni’t paulit-uliti siyang nakikitungo sa Akin sa isang mababaw na paraan, sa gayo’y iniisip na makukuha niya ang pagsang-ayon Ko nang walang kahirap-hirap. Nakatingin Ako sa kaibuturan ng puso ng tao, kaya nahukay Ko sa kanyang kaloob-looban ang “isang mina ng maraming kayamanan,” isang bagay na kahit ang tao mismo ay wala pang kamalayan nguni’t natutuklasan Ko iyon. At dahil dito, ititigil lamang ng mga tao ang banal-banalang pagpaparusa sa sarili kapag nakakakita sila ng “materyal na katibayan” at, nakaunat ang mga palad, inaamin ang maruming estado ng kanilang mga sarili. Sa gitna ng mga tao, napakarami pang mga bago at sariwang bagay ang naghihintay na “ilalabas” Ko para sa kasiyahan ng buong sangkatauhan. Hindi Ako titigil sa Aking gawain dahil sa kawalan ng kakayahan ng tao, ipinagpapatuloy Ko ang pagkukumpuni at pagpapanatili sa kanya alinsunod sa Aking orihinal na plano. Ang tao ay parang isang puno ng prutas: Kung walang pagtatabas at pagpupungos, mabibigong mamunga ang puno at, sa katapusan, ang tanging makikita ninuman ay mga lantang sanga at nahuhulog na mga dahon, wala man lamang prutas na nahuhulog sa lupa.


Sa araw-araw Kong pagpapaganda sa “loobang silid” ng Aking kaharian, kailanman ay walang sinuman ang biglang pumapasok sa Aking “gawaan” upang gambalain ang Aking gawain. Ginagawa ng buong sangkatauhan ang buo nilang makakaya upang makipagtulungan sa Akin, natatakot na “mapaalis” at “mawalan ng kanilang posisyon” at dahil dito ay umaabot sa dulo ng kanilang mga buhay kung saan ay maaari pa silang mahulog tungo sa “disyerto” na nasasakupan ni Satanas. Dahil sa mga takot ng tao, inaaliw Ko siya bawa’t araw, inaantig siyang magmahal bawa’t araw at bukod diyan binibigyan siya ng tagubilin sa kalagitnaan ng kanyang pang-araw-araw na buhay. Para bang mga sanggol lahat na bagong panganak ang mga tao; kung hindi sila tutustusan ng gatas, lilisanin nila ang lupa at maglalaho na nang hindi katagalan. Sa gitna ng mga hinaing ng sangkatauhan, pumaparito Ako sa mundo ng mga tao at, kaagad, nananahan ang sangkatauhan sa isang mundo ng liwanag, hindi na sila nakakulong sa loob ng isang “silid” na mula kung saan ay isinisigaw nila ang kanilang mga panalangin sa langit. Sa sandaling nakikita nila Ako, igigiit ng mga tao ang mga “hinaing” na nakatago sa kanilang mga puso, ibinubuka nila sa harapan Ko ang mga bibig nila upang magmakaawa para sa pagkain na mailalaglag Ko sa kanila. Nguni’t pagkatapos, kapag “humupa na ang mga takot at naibalik na ang kahinahunan nila,” hindi na sila humihiling ng anumang bagay sa Akin, kundi nakakatulog na nang mahimbing, o kung hindi, itinatanggi ang pag-iral Ko, aasikasuhin na nila ang kanilang mga pansariling gawain. Sa “paglisan” ng sangkatauhan, malinaw na malinaw kung paano isinasakatuparan ng mga tao, na walang “pakiramdam,” ang “walang-kinikilingan na katarungan” nila tungo sa Akin. Dahil dito, sa pagkakita Ko sa kanyang hindi kanais-nais na aspeto, tahimik Akong yayaon at hindi na agad-agad bababa muli sa sandali ng maalab niyang pagsusumamo. Wala siyang kaalam-alam, araw-araw na lumalaki ang mga problema ng tao, at dahil dito, sa kalagitnaan ng kanyang mabigat na trabaho, kapag bigla niyang nadidiskubre ang Aking pag-iral, tumatangging kunin ang sagot na “hindi,” hinahawakan niya Ako sa mga kuwelyo at hinahatak Ako papasok sa kanyang bahay bilang isang bisita. Nguni’t, kahit maaaring maghain siya ng masarap na pagkain para sa kasiyahan Ko, hindi niya Ako itinuring kailanman na bahagi ng kanyang pamilya, sa halip ay tinatrato niya Ako bilang isang bisita upang makakuha ng maliit na tulong mula sa Akin. At sa pagkakataong ito, basta na lamang inihahayag ng tao ang nakakaawang kalagayan niya sa harapan Ko, sa pag-asang makuha ang Aking “lagda,” at, katulad ng isang nangangailangan ng pautang para sa kanyang negosyo, inaasikaso niya Ako nang buong kakayahan niya. Sa bawa’t kilos at galaw niya, saglit Kong napapansin ang layunin ng tao: Para bang, sa pananaw niya, hindi Ko alam kung paano basahin ang kahulugang nakatago sa hitsura ng mukha ng isang tao o nakatago sa likuran ng kanyang mga salita, o kung paano tumingin nang malalim sa puso ng isang tao. Kaya dahil sa kumpiyansa, ibinubuhos ng tao sa Akin, nang walang mali o kulang, ang bawa’t karanasan niya sa bawa’t tagpong pinagdaanan niya, at inilalatag niya pagkatapos ang mga hinihingi niya sa harapan Ko. Inaayawan at kinamumuhian Ko ang bawa’t gawa at pagkilos ng tao. Sa buong sangkatauhan, wala ni isa kailanman ang nakakagawa ng gawain na gusto Ko, na parang sinasadyang kalabanin Ako ng sangkatauhan, at nilalayong akitin ang Aking poot: Lahat sila ay pabalik-balik sa harapan Ko, nagpapasasa sa sarili nilang kalooban sa harapan ng Aking mga mata. Wala kahit isa sa buong sangkatauhan ang nabubuhay para sa Aking kapakanan, at bilang kahihinatnan walang halaga ni kahulugan ang pag-iral ng buong sangkatauhan, kaya nabubuhay ang sangkatauhan sa kawalan. Kahit ganito, ayaw pa ring gumising ang sangkatauhan, kundi patuloy na nagrerebelde laban sa Akin, nagpipilit sa kanyang kapalaluan.


Sa lahat ng napagdaanan nilang mga pagsubok, kailanman ay hindi Ako nalugod sa sangkatauhan kahit minsan. Dahil sa malupit nilang kasamaan, hindi nilalayon ng sangkatauhan na magpatotoo para sa Aking pangalan; sa halip, “tumatakbo siya sa ibang daan” habang umaasa sa Akin para sa kabuhayan. Ang puso ng tao ay hindi ganap na bumabalik sa Akin, kaya inaatake siya ni Satanas hanggang sa siya ay nagiging sugatan, at nababalot ang kanyang katawan ng karumihan. Nguni’t hindi pa rin napapagtanto ng tao kung gaano nakasusuklam ang kanyang mukha: Sa buong panahon lagi siyang sumasamba kay Satanas sa Aking likuran. Sa kadahilanang ito, galít na inihuhulog Ko ang tao tungo sa walang-hanggang hukay, ginagawa ito para hindi na niya kailanman magagawang palayain ang kanyang sarili. Kahit ganito, sa gitna ng kalunus-lunos niyang paghagulgol, ayaw pa ring baguhin ng tao ang kanyang pag-iisip, layuning lalabanan Ako hanggang sa mapait na katapusan, at umaasang sa gayon ay sadyang pukawin ang Aking galit. Dahil sa kanyang nagagawa, itinuturing Ko siyang makasalanan na kung ano siya at itinatanggi sa kanya ang init ng Aking yakap. Mula noong una, napaglilingkuran Ako ng mga anghel at nakakasunod sa Akin nang walang pagbabago o paghinto, nguni’t palaging nagagawa ng tao ang eksaktong kabaligtaran, na parang hindi siya nagmula sa Akin, kundi ipinanganak ni Satanas. Ibinigay ng mga anghel sa Akin mula sa kanilang kani-kanyang kinatatayuan ang sukdulan nilang katapatan; hindi nagpapatinag sa mga puwersa ni Satanas, pinagsusumikapan lamang nilang tuparin ang kanilang tungkulin. Sa pag-aalaga at pagpapakain ng mga anghel, lumalago lahat nang malakas at malusog ang napakarami Kong mga anak at ang Aking bayan, walang kahit isa sa kanila ang mahina o sakitin. Ako ang gumawa nito, ito’y Aking himala. Sa pagpapasinaya ng masigabong pagsabog ng kanyon sa pagbangon ng Aking kaharian, lumalakad sa indayog na saliw, lumalapit ang mga anghel sa harapan ng Aking plataporma para magpasakop sa Aking pagsisiyasat, sapagka’t malaya ang kanilang mga puso mula sa karumihan at sa mga diyus-diyosan, at hindi sila umiiwas sa Aking pagsisiyasat.


Sa paghugong ng malakas na hangin, bumaba ang kalangitan sa isang iglap, sinasakal ang buong sangkatauhan upang hindi na makatawag ang mga tao sa Akin kapag gusto nila. Hindi nila namamalayan, bumagsak na ang buong sangkatauhan. Umiindayog ang mga puno sa ugoy ng hangin, naririnig paminsan-minsan ang pagkabali ng mga sanga, at natatangay sa malayo ang lahat ng mga lantang dahon. Biglang naging malungkot at nasira ang lupa, at mahigpit na nagyayakapan ang mga tao upang paghandaan ang susunod na sakúnâ na tatama anumang sandali sa mga katawan nila pagsapit ng taglagas. Paroo’t parito na lumilipad ang mga ibon sa mga burol, na parang umiiyak sila sa isang nilalang dahil sa kalungkutan; sa mga yungib ng bundok, umaatungal ang mga leon, sinisindak ang mga tao sa tunog, nanlalamig sila sa takot at kinikilabutan, at tila may isang nagbababaláng pakiramdam na nagpapahiwatig ng katapusan ng sangkatauhan. Dahil ayaw nilang makita ang kasiyahan Ko sa kanilang pagkasira, nagsisipanalangin nang taimtim ang lahat ng tao sa Kataas-taasang Panginoon sa langit. Nguni’t paano mapipigilan ang isang malakas na hangin sa pamamagitan ng ingay ng tubig na dumadaloy sa isang maliit na sapa? Paano itong mapipigilan nang bigla sa pamamagitan ng tunog ng mga taimtim na panalangin ng mga tao? Paano mapatatahimik ang galit sa puso ng mga dagundong ng kulog para sa kapakanan ng mahinang loob ng tao? Pabalik-balik na naiuugoy ang tao sa hangin; paroo’t parito siyang tumatakbo upang itago ang kanyang sarili mula sa ulan; at nanginginig ang mga tao sa ilalim ng Aking poot, matindi ang takot nilang dadaklutin Ko ng Aking kamay ang kanilang mga katawan, na para bang Ako’y ngusò ng baril na laging nakatutok sa dibdib ng tao, at muli, para bang kaaway Ko siya, nguni’t siya ay Aking kaibigan. Kailanman ay hindi natutuklasan ng tao ang tunay Kong mga hangarin para sa kanya, hindi niya kailanman nauunawaan ang tunay Kong mga layunin, at dahil dito, walang kamalay-malay, nasasaktan niya Ako, walang kamalay-malay, kinakalaban niya Ako, at gayunman, hindi rin sinasadyang nakikita niya ang Aking pagmamahal. Sa gitna ng Aking pagkapoot mahirap para sa tao na makita ang Aking mukha. Nakatago Ako sa itim na mga ulap ng Aking galit, at nakatayo Ako, sa kalagitnaan ng mga dagundong ng kulog, sa ibabaw ng buong sansinukob upang ipadala ang Aking awa sa tao. Sapagka’t hindi Ako kilala ng tao, hindi Ko siya kinakastigo dahil sa kabiguan niyang maunawaan ang Aking hangarin. Sa mga mata ng mga tao, paminsan-minsan Kong ibinubulalas ang Aking poot, paminsan-minsan Kong ipinakikita ang Aking ngiti, pero kahit na nakikita niya Ako, hindi kailanman nakikita ng tao ang kabuuan ng Aking disposisyon, hindi pa rin marinig ang ingay ng kagalakan ng korneta, dahil siya ay nagiging masyadong manhid at walang buhay. Para bang umiiral ang Aking imahe sa mga alaala ng tao, at ang Aking anyo sa kanyang mga kaisipan. Subali’t, sa buong ebolusyon ng sangkatauhan wala kailanman ni isang tao ang tunay na nakakakita sa Akin, dahil masyadong mahina ang utak ng tao. Sa buong pagsisiyasat ng tao sa Akin, napakaprimitibo ang agham ng sangkatauhan kaya, hanggang ngayon, walang kapani-paniwalang mga resulta ang kanyang pang-agham na pananaliksik. At dahil dito, palaging ganap na blangko ang paksa ng “Aking imahe,” wala kahit isa ang pupuno rito, wala kahit isa ang sisira sa isang talâ ng mundo, dahil para mapanatili man lamang ng sangkatauhan ang kanyang kasalukuyang katayuan ay isa nang hindi-masukat na pakunswelo sa gitna ng matinding kasawian.


Marso 23, 1992

Pinagmumulan :  https://tl.kingdomsalvation.org/the-twenty-third-utterance.html

Commenti
* L'indirizzo e-mail non verrà pubblicato sul sito Web.
QUESTO SITO È STATO CREATO TRAMITE